Sunday, September 18, 2011
bulol
natural sa akin ang pagiging madaldal. oo, ako yung tipo ng tao na hindi nawawalan ng ikukuwento. kaya naman kapag napansin ng mga tao sa paligid ko na tahimik ako, bigla na lang silang nagtataka at tinatanong kung masama ang pakiramdam ko or may problema. sa sobrang daldal ko, parati akong nasasabihan na bagay daw sa akin ang naging kurso ko (masscomm).
ilang beses ko na ring napakinabangan ang aking kadaldalan. minsan akong naging dj sa isang local fm station ( at nabigyan ng morning slot). naging part time professor na rin ako. at ngayon naman, isa akong call cen-nerrr agent.
subalit sa kabila ng kadaldalan ko, may isang bagay na lubos na kaktwa sa akin. ito ay ang pagiging bulol ko.
oo. bulol. stamerring. stuttering. minsan, naa-at-at pa.
nakapagtataka hindi ba? dj na bulol. teacher na bulol. at mas lalo naman, call cen-nerrrr agent na bulol.
gayunman, hindi na mabilang ang pagkakataon na naligtas ako ng pagiging bulol ko. mga sup calls na nauuwi sa mga caller na natatawa sa akin, mga irate callers na sa bandang huli ay gusto pang magbigay ng recommendation kasi 'you are a funny guy, you really made me laugh'..ang hindi nila alam, hindi ko naman sinasadya ang pagiging bulol ko.
kapag nagbibigay ako ng disclosure sa mga calls, dun na malimit natatawa ang caller..'thank you for choosing this plan. this will gave you UNLILITED (unlimited) calling, texting and web access. the good thing about this, the first 100 HAWN-DRED (hundred) megabytes...'
at dahil na rin sa pagiging bulol ko,may mga pagkakataon na napapagkamalan akong guatemalan, puerto rican (naman, habla espanyol! akala siguro pang miss universe ako) at ang pinakamatindi, indian.
kamakailan, may isang caller ako, patel ang surname. hindi maikakaila na indian siya. sobrang natutuwa siya sa akin, dumating sa puntong tinanong ako nito kung saan ang location namin. siyempre, we're not permitted to disclose that information. maya maya pa, si mister patel, nagsalita na in their language. hala! yun pala, akala niya indian ako at kinakamusta ako kung ano na ang lagay sa Bombay. pagdating ng 1st break ko, nagtungo ako sa comfort room at pinagmasdan ang aking ulo kung mayruon ba akong suot na imaginary turban.
salamat sa pagiging bulol ko, natutukoy ko ang tunay na intensyon ng isang caller ng dahil sa paraan ng pagsasalita nito (lalo na kung totoo ba ang pagiging bulol nito). kalimitan sa mga ito yung mga humihingi ng credit subalit pagtingin mo sa account, credit fisher pala...kung hindi man, may naka-note nang FRAUD sa account. kapag ang isang caller ay nagiging bulol pagdating sa pagbibigay ng reason bakit tumawag, duon na pumapasok ang duda sa akin. kasi kung talagang emergency situation ito, they can always use their phone for 911 calls kahit walang payment yung account...o kaya naman kapag kine-claim ng caller na may dropped calls sila at dapat mabigyan ng credit, pero pagcheck mo ng account, naka-unlimited plan.
pero may naging caller ako na hindi ko makalilimutan dahil sa pagiging bulol nito. at oo, isa rin itong indian. nang magsalita na ito, "ahbid dibidi ahmene, kameni PIN", nag-apologize ako, sinabi ko ang totoo na hindi ko naintindihan (ang tanging naintindihan ko ay PIN..pero anong pin? pin ng account? ng sim card? ng voicemail? ng online account? ng refill?) pero ang caller na ito, wala, ganun pa rin, inulit lang ang sinabi, bulol and all, at muli, ang tanging naintindihan ko ay PIN. so para ma-assist ko si caller, nag-offer ako ng interpreter (which is part of the call flow)..si caller, biglang nagalit at nagsalita, in straight ENGLISH--"that's the problem with you operators. you dont know how to speak and understand English. what language are you speaking?" hiyang hiya naman ako sa english ni kuyang, gusto ko tuloy sa sabihin, im speaking Swahili, you wanna learn how to speak it also?
hindi naman sa lahat ng oras ay natural ang pagiging bulol o at-at ko. may mga pagkakataon na kapag gusto kong sabihin ang tunay kong naiisip o nararamdaman, mas nasasabi ko ito sa pagsusulat sa halip na sa pagsasalita.
tulad nung nasa kolehiyo ako, bahagi ng bonding namin ng mga ka-teatro ko ay isang bull session (yung honest and straight to the point way of answering personal questions para mas makilala namin ang isat isa). ang natanong nung isa naming kasamahan--WHAT IS YOUR WILDEST DREAM? natuwa ako sa sagot ng mga kasamahan ko. yung isang magandang gay, gusto daw niyang maging straight for one day. yung isa namang girl, sabi, gusto daw niyang mapanindigan yung kurso niya kasi ang totoo, ang gusto niya ay mag-asawa na. pagdating sa akin, ang sabi ko 'i want to be in the shoes of miriam quiambao during the 1999 miss universe pageant'. walang nagsalita. literal na tumigil ang mundo ng lahat. matapos ang mahabang katahimikan, may isa kaming straight na kasamahan ang hindi nakapagpigil, tiningnan ako mula ulo hanggang paa, humagalpak ng tawa, saka sinabi--sa taba mong yan?oh sige nga, why? hindi ko alam kung ano ang nasagot ko, o kung nasagot ko pa nga ba yung tanong, pero ang alam ko, ang gusto ko talagang sabihin, 'i just want to wear that light blue halston gown whose brilliant gems were hand sewn a few days before the pageant. why? its not just because the gown is a beautiful gown, but it is a product of hardwork...'
kamakailan, muling nagkasalubong ang aming landas nang straight na lalaking yun nang dahil sa facebook. may naging group kaming buong teatro at ini-add ako bilang friend. akala ko kung sinong poser lang dahil picture nang babae ang primary photo. subalit nang i-accept ko ang friend request, laking gulat ko nang matukoy na ang magandang dilag na may mahabang buhok, ahit na kilay, mapulang labi at makapal na punda (foundation) sa primary photo ay ang straight na lalaking humagalpak ng tawa nuon sa wildest dream ko na maging miriam quiambao.
nabulol rin ako nung huling beses na nakausap ko ng personal ang aking ama. lagpas isang taon na nang huli akong umuwi sa tahanang aking kinalakhan. ito ay nung mag-clearance ako sa paraalan kung saan ako minsang nagturo. umuwi ako sa bahay namin upang duon iwan ang ilang mga test papers ng mga naging estudyante ko (na ipinakiusap ko sa kanila na kung pwede ba ay maging remembrance na lang nila sa akin). masinsin kong itinutupi ang bawat test booklet ng mga estudyante ko ng bigla akong tinawag ng aking ama sa kanilang kuwarto. pagpasok ko, sinabi nito na maupo raw ako sa kaniyang tabi sa papag na kaniyang hinihigaan kapag gabi. seryoso ang kaniyang mukha.
'ano ba talagang plano mo sa buhay mo?'
'ah, makahanap ho ng maayos na trabaho, na...yung ano, yung, maaari akong mag-grow, tapos yung hindi ako lalapitan ng pamumulitika,, yung basta...bakit ho ba? masama pa rin ba ang loob nyo dahil nag-resign ako sa tv network? hindi na ho ba sapat yung napapadala kong pera?'
'wala ka ba talagang planong mag-asawa?malungkot ang mag-isa. lalo na kapag tumanda ka...'
hindi ako nakaimik. pinilit kong magsalita subalit hindi ko alam kung anong sasabihin ko para hindi masaktan ang kalooban ng aking ama. at mas lalong hindi ko alam kung paano sasabihin sa paraang mauunawaan niya ang mga bagay na nuon pa man ay parati ko nang ipinapaliwanag sa kaniya.
'kahit bigyan mo lang ako ng apo. kami na ang mag-aalaga para kahit wala ka, andito ka pa rin...'
mula nuon, hindi na ako umuwi pa ng probinsya. hindi ko rin batid kung uuwi pa ako.
sabi nila, ang pagiging bulol raw ay isang pagpapakita ng problemang sikolohikal ng isang indibidwal. katunayan, isa sa mga sinasabing uri ng pagiging bulol (psychogenic stuttering) ay maaring dulot ng isang matinding trauma, tulad ng pangungulila o hiwalayan (yaong tinatawag na psychological reaction to physical trauma). marami ring mga haka haka kung bakit nagiging bulol ang isang tao. karamihan rito ay nagpagaralan na ng mga espesyalista. subalit kung may isang bagay man sa pagiging bulol ang lubos na ikinatuwa ko, ito ay ang pagpapatotoo ng mga espesyalista na hindi ito batayan ng tinataglay na karunungan ng isang tao (salamat sa pelikulang the king's speech na batay sa tunay na pangyayari sa isang hari)
ngayon, kung ako'y tatanungin kung nais ko bang sumailalim sa therapy upang maayos ang pagiging bulol ko, sa tingin ko hindi na kailangan pa. oo, mahirap para sa gaya kong namumuhunan sa kakayanang makapagsalita ng maayos ang ganitong kalagayan. subalit nakakaraos naman sa tulong na rin ng mga kasamahan sa trabaho. malaki rin ang tulong sa akin ng paila-ilang papuring natatanggap ko mula sa aking TL dahil sa galing ko raw mambola ng mga customer, pwede na raw akong maging part ng sales team.
oo, bulol man akong magsalita, subalit unti unti ko namang natutunang maipahayag ng maayos ang aking mga saloobin, lalo na kapag kailangan talaga. saka, kung dumarating naman sa puntong napapadalas ang pagpilipit ng dila ko, meron namang 'she sells sea shells on the seashore' at 'peter piper pickled a peck of piper' (teka, parang may mali?!) para madiretso ang dila ko...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment